Wednesday, April 20, 2011

buhay...

Habang tumatagal, habang nadadagdagan ang mga taon sa edad, dumadami ang puting buhok, lumalabo ang mga mata, nagkakalinya sa mukha, kasabay nito ay mga aral sa buhay na lumalantad at natututunan. Marami at sana sa pagdating ng mga liksyon na iyon, laging nakahanda ang lapis at papel para maisulat ang mga ito para hindi ko malimutan. Kaya lang ... pero sana marami ang manatili sa aking memorya.

Ang mga karanasan sa buhay ang nagdadala sa atin ng mga aral na ito. Masaya, malungkot, maligalig, madalamhati, exciting, makapigil-hininga, at kung anu-ano pang mga damdamin na maaaring maramdaman ng tao. At ang mga karanasan na ito ay depende kung ano ang mga pipiliin mong gagawin: kanan o kaliwa, taas o baba, atras o abante. Aalis o mananatili, uurong o susulong, maging duwag o maging matapang, maging kaibigan o kaaway? Makinig o magbingi-bingihan.

Sa pagpili o paggawa ng desisyon, minsan madali itong gawin, minsan naman mahirap. Mahirap nga ba o sadyang pinahihirapan lang ang sarili na magpasya? Nariyang humihingi pa ng payo sa ibang tao (para humanap ng kakampi), tanungin ang Diyos o di kaya mag-toss coin pa para lang madesisyunan ang isang bagay. Minsan, nariyan ding kukuha pa ng lapis at papel para ilista ang pros at cons ng gagawing desisyon. Ginawa mo na rin ba ang mga ganun? Ako, oo.

Marami-rami na ring mga bagay ang masasabi kong ginamitan ko ng mga ganitong stratehiya para makapagpasya o di kaya'y mamili ng gagawin. Noong mas bata ako, mas madali ang gumawa ng desisyon, halos wala nga kung iisipin, dahil masunurin akong anak. Kung ano ang sasabihin ng Nanay, sunod lang ang doray, ay si lynn-lynn pala iyon. Habang tumatagal, nagkaka-isip, maraming natututunan, maraming dagdag karanasan, maraming nababago. Kaya nakilala ng mga tao si Doray. Nagkakaroon na ng mga pagkakataong mas mahirap na kahit ang magbitaw ng mga salita. Ganoon yata talaga kapag tumatanda. Kung dati-rati walang isinasang-alang -alang na mga bagay sa pagpapasya, ngayon kailangan lahat ng direksyon dapat tingnan. Ngayon, ang desisyon hindi lang tungkol sa kung ano ang gusto mo, kundi ang saloobin ng mga tao sa paligid mo na itinuturing mong mahalaga sa iyo. May nagsabi sa akin dati, "ang mga ginagawa natin ngayon, ginagawa natin dahil kailangan, hindi dahil gusto natin."

Dati, ang akala ko sapat na ang pagmamahal mo sa pamilya upang maging gabay sa pagpapasya. Dati, hindi ko alintana ang pagsasantabi ng sariling mga hangarin para lang sa ikasisiya ng mga mahal ko sa buhay. Hanggang ngayon naman, nanatili itong malaking bahagi ng pagdedesisyon, pero may kahati na ito. Teka, baka akala mo may ibang dumating. Wala po. Ako lang ito, si Doray, Dors, Dorskie, Dorayskie, Rhod, Rhods o len, na medyo may mga natutunan na sa larangan ng buhay. May dapat ka palang isipin pa bukod sa kanila. Ang sarili kong kapakanan. Kailangan ko na rin ihanda ang sarili ko sa mga araw na darating. Ang kinabukasan ay wala naman kasing kasiguruhan.

Dumating na yata ang panahon at pagkakataon na kailangan ko na pala isipin din ang sarili. Subalit, hindi naman ito nangangahulugan na kakalimutan mo na ang pamilya. Lagi silang nariyan, bahagi sila ng buhay ko. Habang tumatagal nga eh, lumalawak at dumadami rin ang pamilya ko, damay na rito ang mga kaibigan na alam kong mahal din ako at tunay na nagmamalasakit.

Sa anu pa mang mga karanasan na darating, may mga bagong aral na matutunan. Sana lang lagi akong handa na ito ay tanggapin. Alam ko na patuloy itong aagos habang narito ako sa daigdig. Di rin ako magsasawang magbigay ng pasasalamat sa lahat ng mga natatanggap kong mga biyaya at mga aral, maging sa masaya o di gaanong kasayahang paraan. Sa mga taong naging bahagi ng mga karanasan at mga aral na natutunan, maraming salamat sa inyo, sa iyo anumang ang naibahagi mo. Sisikapin kong di ito makalimutan.

2 Comments:

At April 23, 2011 at 3:48 AM , Blogger spyshadow20 said...

ganda nameyn. sana marunong din ako magnilay at magsulat ng ganto. mabuhay ka! :)

 
At April 23, 2011 at 9:55 PM , Blogger Traces of a lonely sojourner said...

hehe tyaga mo rin basahin ito ah.
salamat.
ikaw din naman magaling sumulat ah. kaya nga ...

happy Easter.
:D mwuah

 

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home